Saturday, November 27, 2004

Nandito ako sa isang tanggapan kung saan nagpapa-arkila sila ng mga kompyuter para sa Internet at sa pag-sulat ng mga pormal na dokumento. Wala akong magawa o maisip na makabuluhan na gawin kaya nandito ako at nakasubsob sa keyboard. Dapat ay nasa bahay ako ngayon at gumagawa ng mga takdang aralin...nagtambakan ang mga proyekto ko para sa semestreng ito. Pero, katulad ng dati, wala akong gana. Masakit ang mga daliri ko sa paghawak ng mga materyales na pag-guhit at pang-kulay. Ayoko na munang humawak ng krayola o lapis. Baka bukas magka-gana na ako.
Masaya ako sa kolehiyo. Ito na ang masasabi kong buhay ko sa kasalukuyan, maliban sa nobyo kong si PRA. Parang kailan lang nang abot langit ang pag-aalala at konsumisyon ng mga magulang ko dahil sa madalas kong pag-liban sa eskwelahan. Ito ay nuong wala pang gustong tumanggap ng katotohanan na ako ay may sakit na mental--Depresyon o ang sobra at walang kadahilanang pag-kalungkot sa kung ano pa man. Noon, ayokong tumayo ng kama sa umaga, lumabas ng kwarto, pumunta ng palikuran para mag-handa para sa eskwela. Nasa kama lang ako buong araw. Wala din akong kagustuhan na kumain. Lumilipas and agahan, tanghalian at hapunan...nasa kwarto lang ako---nakikinig ng Sarah McLachlan o ng Live (isang banda) at ng sari-saring musika ng mga musikerong hindi magawang maintindihan ng aking mga magulang. Kakain lang ako kapag wala nang tao sa kusina--kahit katulong ayokong maka-salimuha. Madalas, kumakain ako sa kusina ng hating-gabi hanggang madaling araw. Minsan, gumagala ako sa hardin nang parang multong walang katahimikan. Multo nga siguro ako. Multong buhay at may kulay.
Pero ngayon iba na. May silbi na ako, sa opinyon ng mga tao na nakakapit sa meritokratong pilosopiya. Umiinom ako ng gamot para hindi na ako malungkot. Masaya na ako ngayon. Hindi ako sigurado kung dahil sa medikasyon o dahil kay PRA o dahil may silbi na ako. Siguro lahat iyon dahilan. Siguro kahit isa man doon ay hindi dahilan. Siguro ang dahilan ay ngayon alam ko na na ako ay nabubuhay para sa sarili ko at para sa iba.
May kapabilidad pala akong maging masaya. Hindi na ako multo.
Cursor by www.Soup-Faerie.Com